Senado, sisilipin ang mga alituntuning ipinapatupad ng PCG at MARINA sa paglalayag ng mga barko

Maghahain si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng resolusyon para siyasatin ng Senado ang mga rules o alituntuning ipinatutupad ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG) para sa mga barkong naglalayag.

Ang hakbang ng senador ay kasunod ng panibagong insidente sa karagatan kung saan isang passenger vessel na M/V Lady Mary Joy 3 ang nasunog na ikinasawi ng 31 katao.

Ayon kay Villanueva, napigilan sanang mangyari ang trahedyang ito sa karagatan kung naging masigasig lamang ang may-ari ng barko, mga crew, ang PCG at MARINA sa pagtiyak ng ligtas na paglalayag ng mga pasahero.


Aniya, ang nangyaring insidenteng ito ay nagpapanumbalik lang sa mga ala-ala ng kapabayaan at problema sa korapsyon pagdating sa pagpapatupad ng kaligtasan sa mga barko kaya ang mga passenger ships na ito ay tila nagsisilbi na lamang ‘floating coffins’.

Sinabi ni Villanueva na ipasisilip niya kung nakasusunod ba ang mga concerned agencies tulad ng MARINA at PCG sa pagpapatupad ng rules sa seaworthiness, safety requirements at manning compliance ng mga barko.

Aalamin din kung tinitiyak ba ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtalima ng mga barko sa Occupational Safety and Health Standards Act at kung ilang beses ginagawa ang pag-i-inspeksyon sa mga domestic shipping vessels salig na rin sa labor standards.

Bagama’t may hiwalay na imbestigasyong ginagawa ang PCG at MARINA, iginiit ni Villanueva na mainam na may pagsisiyasat din ang Senado lalo’t ang mga nabanggit na ahensya ang nasasangkot sa posibleng kapabayaan sa mga naganap na trahedya sa karagatan.

Facebook Comments