Senado, suportado ang hindi pag-iisyu ng Pangulo ng sertipikasyon para madaliin ang 2026 national budget

Suportado ni Senate President Tito Sotto III ang desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na huwag nang sertipikahang urgent ang 2026 national budget.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Sotto na nagpadala ng notice ang Kamara na sa October 13 na sila mag-a-adjourn para sa nakatakdang Undas break, habang ang Senado ay sa October 10 naman ang session adjournment.

Giit ni Sotto, pinapayagan ang hindi parehong petsa ng adjournment ng dalawang kapulungan subalit hanggang tatlong araw lamang.

Paliwanag ng Senate President, sa October 10 aaprubahan ng Kamara ang pambansang pondo, pero dahil wala nang ilalabas na certification of urgency ang Pangulo, iiral na ang three-day rule para mabigyan ng sapat na panahon na mabasa at ma-review ng mga kongresista ang kanilang ipapasang national budget.

Sinabi pa ni Sotto na tama lang at makabubuti ito dahil taon-taon na lamang ay humihingi ng sertipikasyon ang Mababang Kapulungan sa Pangulo para maipasa sa second at third reading ang budget sa loob lamang ng isang araw nang hindi man lamang nababasa ng mga kongresista.

Dagdag pa ng senador, ang pagmamadali na maaprubahan ang budget ang siya pang nagiging dahilan noon para makapagsingit ng pondo at proyekto ang mga mambabatas.

Facebook Comments