Senado, tinalakay ang insidente ng pagbangga sa fishing vessel malapit sa Bajo de Masinloc

Tinalakay ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones ang naganap na insidente na pagbangga sa Pinoy fishing vessel malapit sa Bajo de Masinloc.

Sa pagdinig, humarap ang mga survivor na nakaligtas sa ginawang pagbangga ng crude oil tanker na Pacific Anna sa Bajo de Masinloc kung saan tatlong mangingisda ang nasawi.

Lumalabas na tila ‘head on collission’ ang nangyaring pagbangga sa kanilang bangka.


Ayon kay Jonny Manlolo, isa sa mga survivor, duda siya na aksidente ang nangyari tulad ng sinasabi ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil mayroong radar ang mga malalaking barko na kayang makatukoy ng mga maliliit na bangka na maaaring tamaan.

Umabot din ng 24 oras bago nai-report ng mga mangingisda sa mga awtoridad ang nangyaring insidente dahil maliit na bangka lang ang kanilang ginamit pabalik sa Pangasinan.

Batay sa impormasyon ng PCG, hindi pa nila nakakausap ang mga tripulante o sinuman sa Pacific Anna dahil patuloy ang paglalayag nito at ngayon ay napabalitang nasa Myanmar na.

Siniguro naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na handa silang makipagugnayan at tumulong para mapanagot ang mga tripulante ng oil tanker.

Facebook Comments