Tinapos na ng Senado ang interpelasyon para sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ito ay kahit pa may mga gustong itanong at mga paglilinaw ang mga miyembro ng Minority na sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros.
Inabot ng ala-1:00 ng madaling araw nang magdesisyon si Senator Mark Villar, ang sponsor ng MIF Bill, na tapusin na ang plenary debates sa panukala.
Sa kabila ng mahaba pang listahan ng mga gustong itanong ng mga taga-oposisyon, tumanggi na rito si Villar dahil nasagot naman na niya ang lahat ng mga tanong at nauulit na lamang ang marami sa mga ito.
Sa nakalipas na dalawang linggo hanggang kahapon sa sesyon na nagsimula ng alas-3:00 ng hapon ay inilaan ito para sa “period of interpellations”.
Nagkaisa naman ang mga miyembro ng Mayorya at si Senate President Juan Miguel Zubiri na ihinto na ang debate matapos idaan ito sa botohan.
Sinabi naman ni Villar na maaari pa rin namang magpasok ng kanilang mga ideya sina Pimentel at Hontiveros dahil sunod namang isasalang ang panukala sa “period of amendments”.
Dahil certified as urgent ang Maharlika Fund, target na mapagtibay ito sa ikatlo at huling pagbasa bago ang sine die adjournment ngayong Miyerkules o i-extend pa hanggang sa Huwebes.