Senado, tinapos na ang pagdinig patungkol sa cover-up sa nangyaring drug raid sa Maynila noong nakaraang taon

Tinapos na ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon tungkol sa ‘cover-up’ sa nangyaring ₱6.7 billion drug raid sa Maynila noong nakaraang taon.

Ayon kay Committee Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa, maliwanag na nagkaroon ng tangkang cover-up o pagtatakip kay Police Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr., ang pulis na siyang nag-iingat ng nakumpiskang 990 kilos na shabu sa lending company na pag-aari nito.

Sinabi ni Dela Rosa na ‘off the hook’ o wala nang kinalaman sa ‘attempted cover-up’ si dating PNP Chief Rodolfo Azurin dahil tinuluyan niyang sampahan ng kaso si Mayo matapos na tawagan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).


Hindi naman kumbinsido ang senador na lusot sa tangkang cover-up ang iba pang police officials.

Sinabi ni Dela Rosa na 50-50 percent at posibleng kasabwat sa cover-up ang dating PNP-Drug Enforcement Group Head Police BGen. Narciso Domingo matapos na aminin kanina na hindi nito na-i-report agad kay Azurin ang pag-aresto kay Mayo sa drug raid.

75-25 percent naman ang nakita niyang posibleng pagkakadawit ni Police Col. Julian Olonan ng PDEG habang marami pang dapat na ipaliwanag sina Lt.Col. Arnulfo Ibañez at Police Lt.Col. Glenn Gonzales dahil umikot sa kanila ang imbestigasyon kay Mayo.

Kanina naman sa pagdinig ay idinetalye ni Domingo ang naging takbo ng kanilang operasyon at pagkakaaresto kay Mayo kung saan itinuro ng opisyal sina Ibanez at Gonzales na hawak ang informant para maisagawa ang operasyon subalit tumanggi silang i-turnover sa PDEA ang impormante.

Naging kapuna-puna naman sa palitan ng sagot ng mga pulis na nais nilang kunin ang ₱2 milyong reward pero hindi naman nila mailutang o matukoy kung sino ang kanilang impormante.

Facebook Comments