Senado, tiniyak ang agarang pagdinig kapag nakapaghain na ng kaso ang DOJ laban sa mga suspek sa pagpatay kay Gov. Degamo

Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na agad magtatakda ang Senado ng pagdinig sakaling makapaghain na ng kaso ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga sangkot sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Paliwanag ni Zubiri, hindi pa lang sila makapagtakda ng imbestigasyon sa Senado dahil humiling ang DOJ na bigyan muna sila ng dalawang linggo para makapag-build up ng kaso at mapaaresto ang mga akusado sa pagpatay sa gobernador at ilang mga sibilyan.

Sinabi naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, Chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, maaari naman siyang magsagawa ng pagdinig tungkol dito kahit naka-session break ang Kongreso.


Sakali namang ngayong linggo ay makapaghain ng kaso ang DOJ ay maaari na siyang magpatawag ng pagdinig sa darating na Miyerkules.

Kasama sa ipapatawag ng Senado si Negros Oriental Cong. Arnolfo Teves Jr., na nasa ibang bansa pa.

Facebook Comments