Tiniyak ni Senator Chiz Escudero sa mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) na hindi magagalaw ang kanilang mga sweldo at benepisyo kahit pa may isiningit sa probisyon ng 2024 General Appropriations Bill (GAB) na kailangang i-reimburse ng ahensya ang ginastos ng mga pasaherong na-offload sa kanilang mga flights o hindi na nakaalis ng bansa dahil sa mahabang proseso ng pagtatanong ng mga immigration officers.
Paglilinaw ni Escudero, walang nakasaad sa ipinasang 2024 national budget na ang ibabayad sa mga apektadong pasahero ay magmumula sa pondo na pangsweldo at allowances ng mga empleyado ng BI.
Giit ng senador, anumang pagbabawas sa sahod sa mga BI personnel ay maituturing na iligal at hindi otorisado.
Paliwanag ni Escudero, ang refund para sa mga offloaded na pasahero ay hindi huhugutin sa sweldo ng mga empleyado ng BI kundi ito ay magmumula sa sobrang kita ng Immigration Bureau na taun-taon ay ibinabalik sa National Treasury.
Pinawi ng mambabatas ang pangamba ng mga BI personnel at nangako siyang babantayan ang paghuhugutan ng pondo para sa refund o reimbursement upang matiyak na masusunod ang intensyon at mandato ng Kongreso.