Manila, Philippines – Tiniyak ni Senate Majority Leader Tito Sotto na bago matapos ang buwan ng Nobyembre ay parehong maipapasa ng senado sa pangatlo at huling pagbasa ang panukalang 2018 national budget at ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN bill.
Ang kasiguraduhan ay ibinigay ni Sotto kahit pa naatras ng ilang araw ang kanilang pagbabalik sa session ngayong November 13 dahil idineklarang holiday ang November 13 – 15 para bigyang daan ang gaganaping Association of Southeast Asian Nation o ASEAN Summit.
Ang dalawang panukalang batas na nabanggit ay parehong naka pending ngayon para sa pangalawang pagbasa matapos na mag-adjourn ang session ng Senado para sa isang buwang recess simula noong Oktubre 12.
Kapag nailusot na ang nabanggit na dalawang panukala ay agad itong isasalang sa bicameral conference committee upang pareho ding agad na mai-transmit sa palasyo para sa lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte bago magtapos ang taon.