Ginagarantiyahan ng Senado na suportado ng binabalangkas na 2023 national budget ang patuloy na pagsisikap para makabangon ang ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na hindi dapat sayangin ng gobyerno ang pagkakataong ipagpatuloy ang positibong momentum ng paglago ng ekonomiya makaraang maitala ang 7.6 percent economic growth sa 3rd quarter ng taon.
Ang Senado aniya ay kumikilos upang matiyak na papabor ang pambansang pondo para sa sustainable growth at inclusivity ng bansa.
Tinutugunan aniya ng 2023 national budget ang economic agenda na pagbuo ng mga dagdag na trabaho at pagtatayo ng mga imprastraktura.
Tinukoy rin ang pagtaas ng tiwala ng mga mamumuhunan makaraang i-rebisa ng Fitch Solutions Country Risk and Industry Research ng kanilang GDP growth projection na 7.4 porsyento mula sa naunang 6.6 porsyento.
Binigyang-diin pa ng Senate majority leader na nakakadagdag ng tiwala ng mga investors at mga negosyo ang pagbaba ng unemployment rate sa 5% nitong Setyembre na indikasyon na umeepekto ang economic strategy ng kasalukuyang administrasyon.