
Nagbabala si Senator Panfilo Lacson na malalagay sa kahihiyan ang Senado bilang impeachment court kapag ibabasura agad ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Kaugnay ito sa naging pahayag ni Senate President Chiz Escudero na posible ang anumang mosyon tulad ng dismissal kung may isang senator judge ang magmomosyon nito at pagbobotohan.
Sinabi ni Lacson na kung i-didismiss nila ang impeachment case at may mag-akyat nito sa Supreme Court (SC) ay nakakahiya dahil maaaring mabaligtad ang desisyon ng Senado.
Naniniwala ang senador na malinaw ang atas sa kanila ng saligang batas na ang trabaho nila bilang senator judge ay dinggin ang kaso at hatulan ang nasasakdal ng convict o acquit.
Ito lamang aniya ang desisyon na hindi maaaring kwestyunin sa Korte Suprema kumpara sa inilulutang na motion to dismiss.
Kadalasan aniya sa mga korte ay isinasantabi ang desisyon tungkol sa motion to dismiss at dumadaan talaga sa trial ang kaso para makita ang presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon at saka lamang nila ma-a-appreciate ang dismissal ng impeachment case kung talagang walang laman ang mga ebidensya.









