Senado, umaasa na magkakaroon na ng visiting forces agreement ang Pilipinas at Japan

Umaasa si Senate President Juan Miguel Zubiri na maisasakatuparan ng gobyerno ng Pilipinas at Japan ang Reciprocal Access Agreement (RAA) para pag-ibayuhin ang mga pagsasanay at exercises ng mga sundalo ng dalawang bansa.

Kaugnay na rin ito sa ginanap na pulong sa pagitan ng delegasyon ng bansa sa pangunguna ni Zubiri at ng mga miyembro ng Japan Philippine Parliamentarians Friendship League (JPPFL) sa pangunguna naman ni Chairman Moriyama Hiroshi.

Dito ay tinalakay ng dalawang bansa ang bilateral relations ng Pilipinas at Japan partikular sa trade and industry, tourism, disaster management at defense and security.


Tinukoy ni Zubiri ang ipinadala ng Japan na air surveillance radar systems sa Department of National Defense (DND) at ang pagtuturo ng Japanese Air Self-Defense Force sa ating Philippine Air Force (PAF) kung paano i-operate ang nasabing system.

Ayon kay Zubiri, ang suporta ng Japan ay isang ‘major boost’ sa ating defense systems kaya naman umaasa siyang magiging daan na ito para magkaroon ng kahalintulad na Visiting Forces Agreement ang Japan at Pilipinas.

Sa pulong ay nagpasalamat din si Zubiri sa pagtulong ng Japan sa nangyaring oil spill sa Mindoro at ang patuloy na pagbibigay ng assistance sa bansa sa pamamagitan ng mga loans at grants.

Facebook Comments