Senado, umapela sa mga rehiyon na hindi apektado ng Bagyong Paeng na tumulong sa mga lugar na sinalanta

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa mga rehiyon na hindi gaanong napinsala ng Bagyong Paeng na tumulong sa mga lugar na lubhang tinamaan at sinira ng kalamidad.

Partikular na pinatutulungan ng senadora ang Maguindanao, Zamboanga at iba pang lugar na matinding pininsala ng Bagyong Paeng.

Giit ni Marcos, anumang tulong na maibibigay ng mga lokal na pamahalaan sa mga lalawigan na lubhang tinamaan ng bagyo ay malaking tulong para sa kanilang muling pagbangon.


Suportado rin ng senadora ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magdeklara ng ‘state of national calamity’ dahil sa lawak ng pinsalang dinulot ng Bagyong Paeng sa bansa subalit ito ay tinanggihan naman ng kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

Giit ng senadora, sobra-sobra na ang paghihirap ng ating mga kababayan dahil sa pandemya at pagtaas ng mga bilihin nadagdag pa ang paghagupit ng ganitong kalamidad.

Samantala, personal namang nagtungo si Senator Robin Padilla sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para alamin sa mga opisyal doon kung paano matutulungan at ano ang mga pangangailangan ng mga residenteng nasalanta ng bagyo.

Facebook Comments