Manila, Philippines – Wala pa rin sa plano ni Blue Ribbon Committee chairman Senador Richard Gordon na ipatawag sina Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Mans Carpio na mister ni Mayor Sara Duterte.
Ang pahayag ni Gordon ay kahit pa iginigiit ni Senator Antonio Trillanes IV na sina Vice Mayor Paolo at Atty. Carpio ay parehong miyembro ng Davao Group na gumagalaw sa Bureau of Customs.
Katwiran ni Gordon, palaging isinasangkot ni Trillanes sa pagdinig ukol sa 6.4 billion pesos na shabu galing China si Vice Mayor Duterte subalit wala naman itong mailabas na matibay na ebidensya o testigo.
Hiniling ni Gordon kay Senate President Koko Pimentel na magpadala ng liham sa Department of Justice.
Ito ay para hingin ng pormal ng DOJ ang mga dokumento at detalye ng imbestigasyon na isinagawa ng chinese government ukol sa 6.4 billion pesos na shabu na nakalusot sa Bureau of Customs.
Binigyang diin ni Gordon na malinaw sa itinatakda ng mutual legal assistance treaty on criminal matters na dapat magtulungan ang China at Pilipinas sa imbestigasyon at pagtugis sa indibibidwal na nakakagawa ng krimen.