Senado, wala pang aksiyon sa BARMM poll deferment bill

Matapos ang maraming panawagan mula sa iba’t ibang stakeholders na suspindehin ang unang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), tila wala pang plano ang Senado na isabatas ang panukala ilang buwan bago ang eleksiyon.

Batay sa records ng Senado, hanggang sa kasalukuyan ay wala pang hearing na itinakda upang talakayin ang bill gayong ang counterpart measure nito ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.

Ang sessions ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay hanggang  February 8 na lamang bago mag-break upang bigyang-daan ang 2025 midterm election campaign period.


Ang 19th Congress ay magre-reconvene sa June 2 hanggang June 13, at pagkatapos ay  mag-a-adjourn sine die ito.

Ang counterpart bill ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa noong December 17, 2024.

Noong November 2024 ay naghain si Senate President Chiz Escudero ng isang bill upang ipormalisa ang kanyang panukala na ipagpaliban ang BARMM parliamentary elections.

Nagpahayag ng suporta ang BARMM stakeholders at public officials sa pagpapaliban ng 2025 elections sa rehiyon, subalit nananatiling tahimik ang Senado sa naturang panukala gayong ilang buwan na lamang ay aarangkada na ang halalan na sa Mayo.

Patuloy na nananawagan ang mga grupo at stakeholder sa Senado na aksiyunan ang nasabing bill.

“This purposeful resetting is intended to ensure that the electoral process is conducted with integrity and safeguards the fundamental right of suffrage by creating the conditions indispensable for its meaningful exercise,” wika nina Basilan Gov. Jim Hataman Salliman, Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr., Maguindanao del Norte Gov. Abdulraof Macacua at Tawi-Tawi Gov. Yshmael Sali previously sa isang joint statement.

Nanindigan ang mga  governor na walang kinalaman ang politika sa kanilang panawagan dahil responsibilidad ng Kongreso na isaalang-alang ang kapakanan ng mga residente ng BARMM.

Nasa  10 Basilan mayors, kabilang sina Roderick Furigay ng Lamitan City, Nasser Abubakar ng Lantawan, Moner Manisan ng Tabuan Lasa, Jomar Maturan ng Ungkaya Pukan, Jaydeefar Lajid ng Albarka, Alih Sali ng Akbar, Arsina Kahing-Nanoh ng Muhtamad, Jul-Adnan Hataman ng Sumisip, Arcam Istarul ng Tipo-Tipo, at Talib Pawaki ng Hj. Muhammad Ajul ang nagpahayag din ng suporta sa pagpapaliban ng naturang halalan.

Sa pag-apruba sa House Bill No. 11144, sinabi ni Speaker Martin Romualdez na ang one-year postponement “would allow for more time for the promotion of broader participation from political parties and the electorate, and enhance their understanding of new electoral processes.”

Facebook Comments