Sinusulong ni Senator Christopher ‘Bong’ Go na gawing dalawang beses sa isang taon ang pagdaraos ng Metro Manila Film Festival (MMFF).
Iminungkahi niya ang plano matapos manumpa bilang bagong miyembro ng executive committee ng MMFF.
Ayon kay Go, iniisip niya paano makakatulong sa mga Pilipinong artista at napansin niyang inaabangan ng publiko ang MMFF tuwing Disyembre, hindi lamang sa Metro Manila maging sa mga probinsiya.
“Ako, ang suggestion ko po para makatulong, with your permission and approval ay maging twice a year po ang MMFF kung kakayanin po ng inyong resources at panahon niyo, panahon natin lahat. Magtulungan tayo,” tugon ng senador.
Nakikita niyang nagkakaisa at tinatangkilik ng taumbayan ang MMFF.
“Talagang nagpupuntahan sila sa mga malls, sa cinema… kaya naman iniisip ko kung paano tayo makatutulong sa mga workers natin.. Mahalaga ‘yung welfare at security nila lalo na sa kanilang pagtanda dahil malaki ang kontribusyon nila sa pelikulang Pilipino,” ani Go.
Dagdag pa niya, todo-suporta ang binibigay nila ng Pangulong Duterte para umunlad at lumakas ang industriya ng pelikulang Pinoy. Humihingi din ng tulong ang mga kaibigan niya mula sa showbiz na makapagpasa ng batas na proprotekta sa kanila habang nagtratrabaho.
Sa pangunguna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), itinatampok ng taunang film festival ang walong pelikulang Pilipino mula Disyembre 25 hanggang unang linggo ng Enero ng susunod na taon.