Senador, dismayado dahil damay sa ginawang pagtakas ni Michael Cataroja sa Bilibid ang pribilehiyo ng ibang PDLs

Dismayado si Senator Robin Padilla dahil damay tuloy ang pribilehiyo ng ilang mga inmates matapos tumakas sa maximum security compound ng Bilibid ang Person Deprived of Liberty (PDL) na si Michael Cataroja.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Justice, sinabihan ni Padilla si Cataroja na dapat nagisip muna ito dahil nadamay tuloy sa pagdurusa ang ilang mga bilanggo na wala namang kinalaman sa ginawa niyang pagpuga sa kulungan.

Tinanong ni Padilla si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gregorio Catapang Jr., kung anong mga pribilehiyo ang mawawala sa mga PDLs dahil sa ginawa ni Cataroja.


Ayon kay Catapang, wala namang mawawala na pribilehiyo sa mga inmates dahil tuloy pa rin naman ang dalaw sa mga ito, yun lamang magpapatupad muna sila ng paghihigpit dito.

Ire-review muna aniya nila ang policies sa conjugal visit at family visit kung saan pansamantalang aalisin muna ang “overnight” sa mga dalaw sa mga PDLs.

Pero giit ni Padilla, mahalaga sana ito dahil bahagi ito ng rehabilitasyon ng mga PDLs.

Hiniling ni Catapang kay Padilla na bigyan lamang sila ng isang linggo at sa oras na maayos ang problema ay agad nilang ipaparating ito sa komite.

Maliban sa paghihigpit muna sa conjugal at family visit sa mga preso ay pagaaralan din ng BuCor ang polisiya sa pagkuha ng basura sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kung saan hindi na patutulungin sa paghahakot ang mga PDLs at magtatalaga na rin ng mga gwardya na magbabantay sa pangongolekta ng basura.

Facebook Comments