Senador, duda na pinapahina ang kaso ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo

Duda si Senator Risa Hontiveros sa paghahain ng kaso ng Department of the Interior and Local Government (DILG) laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Matapos sampahan ng graft charges ng DILG sa Ombudsman si Guo ay hinainan naman ng anti-graft body ng criminal case si Guo sa Capas Tarlac Regional Trial Court (RTC) Branch 109 dahilan kaya hindi natuloy sa Senado ang paglipat nito ng detensyon.

Giit ni Hontiveros, sa totoo lang ay dapat nai-turn over na si Guo sa Senado pagkatapos nitong maproseso sa National Bureau of Investigation (NBI) o Philippine National Police (PNP).


Ito aniya ang napagkasunduan at ang tamang proseso dahil sa Senado galing ang orihinal na arrest warrant laban kay Alice Guo.

Bukod dito, ang Sandiganbayan aniya ang dapat na humahawak ng graft at corrupt cases laban sa mga matataas na opisyal gaya ni Guo kaya duda ang mambabatas kung pinalalabnaw o pinahihina nga ba ng DILG ang inihain nilang hiwalay na kaso.

Dagdag pa ni Hontiveros, napaka-iregular ng mga nangyayari kaya asahan na kabilang ito sa mga maitatanong sa pagdinig sa Lunes.

Facebook Comments