Senador, hinamon ang Malakanyang na ibenta na rin sa Kadiwa stores sa murang halaga ang asukal na inangkat mula sa tatlong paboritong traders

Hinamon ni Senator Risa Hontiveros ang Palasyo ng Malakanyang na kunin at ibenta na rin sa Kadiwa stores sa murang halaga ang mga asukal na inangkat ng tatlong paboritong importers ng Department of Agriculture (DA).

Kaugnay na rin ito sa pag-apruba ng Marcos Jr. administration sa rekomendasyon na ibenta sa Kadiwa stores ang nakumpiskang 12,000 metric tons ng asukal sa halagang P70 kada kilo.

Ang tatlong sugar traders na sinasabing paborito ng gobyerno ay tinukoy ni Hontiveros na All Asian Countertrade, Edison Lee Marketing, at Sucden Philippines na posibleng kumita pa ng bilyun-bilyon sa asukal sa halip na makatulong na mapababa ang presyo ng produkto sa merkado.


Ipinunto ni Hontiveros na kukulangin para sa mga mahihirap ang 12,000 metric tons na nasabat na asukal sa Subic at Batangas dahil ang ‘poorest’ ay aabot ng 30 percent.

Nangangahulugan aniya ito na mangangailangan ng 300,000 metric tons ng asukal ang mga mahihirap na kababayan.

Giit ni Hontiveros, kung talagang seryoso ang gobyerno na tumulong ay samsamin na rin ang inangkat na asukal ng tatlong traders para maibigay ang pangangailangan ng mga mahihirap at upang hindi masabing para lang sa publicity ang balak na pagbebenta ng murang asukal sa Kadiwa.

Sinita rin ni Hontiveros ang pagpapataw ng presyo ng ibebentang asukal sa Kadiwa na P70 kada kilo dahil ang dapat na presyo ng asukal na may karaniwang tubo ay aabot lamang sa P61 kada kilo.

Aniya, smuggled na nga pero tubong-lugaw pa rin ang presyo ng asukal na ibebenta sa Kadiwa.

Facebook Comments