Hinamon ni Public Services Chairman Senator Grace Poe ang mga awtoridad na may sampulan na sa paglabag ng SIM Registration Law.
Naniniwala si Poe na kapag may nakita ang mga kababayan na nahuli at nakulong dahil sa fake registration ng SIM o nagbebenta ng pre-registered na SIM ay mababawasan kahit papano ang mga scammers na patuloy na nanloloko sa mga subscribers.
Punto ng senadora, mayroong magagandang probisyon na nakapaloob sa batas at nasa mga awtoridad na ang responsibilidad ng maayos na pagpapatupad ng SIM Registration Law.
Sinabi pa ni Poe na kung may matibay na ebidensya laban sa mga nahuli na lumabag sa batas ay sampolan na agad ito ng mga law enforcers sa pamamagitan ng pag-aresto at pagpapakulong.
Aniya pa, kung dati na kahit may makita na fake na SIM cards ay hindi pwedeng kasuhan ang lumabag dahil walang batas dito, pero ngayon na binigyan na ng armas ang mga awtoridad sa ilalim ng SIM Registration Law ay umaasa ang publiko na may mapapanagot na sa mga panlolokong ginagawa ng mga scammers.