
Hinamon ni Senator Kiko Pangilinan si Supreme Court Chief Justice Rodil Zalameda na manguna sa pagpapatupad ng reporma sa justice system ng bansa.
Ito ay upang maibalik ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa hudikatura.
Hiling ni Pangilinan sa bagong Chief Justice na bigyang-prayoridad ang pagbabawas sa napakalaking backlog ng mga kaso sa hukuman sa pamamagitan ng pagtatakda ng malinaw na target, mas mabilis na pagresolba ng mga kaso, pagdaragdag ng mga hukuman sa iba’t ibang lugar, at pagpuno sa mga bakanteng posisyon.
Dapat din aniyang labanan ang korapsyon sa loob mismo ng sistema ng hustisya at itaguyod ang integridad ng hudikatura.
Paalala pa ng mambabatas na napakaraming dapat gawin sa hudikatura kaya mangangailangan ito ng malawak, masinsinan, at tuloy-tuloy na pagbabago na mararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino.










