Hinimok ni Senate Committee on National Defense and Security Chairman Jinggoy Estrada ang pamahalaan na patuloy na manindigan sa paglaban sa extremism at terorismo sa bansa.
Kasunod na rin ito ng pagkasawi ng apat na sundalo matapos tambangan ng mga pinaghihinalaang myembro ng Dawlah Islamiya (DI) terrorists sa bayan ng Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Hinikayat ni Estrada ang gobyerno na kondenahin ang nangyaring karahasang ito sa ating mga sundalo na isa aniyang paalala sa mga sakripisyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang kanilang hindi matatawarang tungkulin na protektahan ang bansa mula sa mga kalaban ng estado.
Sa gitna ng walang awang pagpaslang sa ating mga sundalo, saludo naman si Estrada sa kabayanihan at katatagan ng ating AFP sa pagtatanggol sa ating mga kababayan kahit sa harap ng panganib.
Samantala, personal namang nakiramay at nagpaabot ng tulong si Estrada sa mga naulilang pamilya ng apat na sundalo.