Umapela si Senator Francis Tolentino sa pamahalaang Marcos na ipagpatuloy ang pagbabantay sa proceedings ng International Criminal Court (ICC) patungkol sa drug war probe ng nakaraang Duterte administration.
Ito ay kahit pa inihayag ng Malacañang ang tuluyang pagkalas ng Pilipinas sa ICC at pagtaguyod ng soberenya ng bansa sa gitna ng imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang gobyernong Duterte.
Ayon kay Tolentino, Chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, bagama’t tuluyan nang hindi makikipag-ugnayan at makikipagtulungan ang bansa sa ICC, mahalaga pa rin na i-monitor ng Marcos administration ang mga mangyayari sa gagawing pagsisiyasat sa loob ng international court.
Paliwanag pa ng mambabatas, ang tuluyang paghiwalay ng bansa sa ICC ay hindi mangangahulugan ng tuluyang pagkawala ng komunikasyon kaya makakabuti kung ipagpapatuloy ng Office of the Solicitor General ang pag-monitor sa anumang posibleng mangyari sa tribunal.
Mainam aniya kung may nalalaman ang ating gobyerno sa mga mangyayari sa naturang proceedings at takbo ng imbestigasyon laban sa bansa.
Binigyang diin pa ni Tolentino na may tsansang mabasura o maisantabi pa ang pag-iisyu ng warrant of arrest laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator “Bato” dela Rosa dahil mismong ang mga ICC judges ay hati ang desisyon sa drug war noon ng bansa.