Senador, hinimok ang Estados Unidos na tulungan ang Pilipinas sa cloud seeding operation para labanan ang epekto ng El Niño

Inirekomenda ni Senator Francis Tolentino na samantalahin ng gobyerno ang isinagawang multilateral maritime cooperative activity (MMCA) sa pagitan ng Pilipinas, Estados Unidos, Australia at Japan at humingi ng tulong para sa nararanasang El Niño sa bansa.

Ayon kay Tolentino, para madagdagan ang value o halaga ng ikinasang maritime cooperation sa West Philippine Sea ay dapat humingi na rin ng tulong ang bansa sa US Navy para gamitin ang navy planes sa pagsasagawa ng ‘cloud seeding’.

Aniya, pasok sa existing cooperation ang humanitarian missions para tumulong sa ating bansa lalo’t kalamidad din naman na maituturing ang El Niño.


Wala aniyang cloud seeding planes ang Department of Agriculture (DA) at malaking tulong kung maipapagamit ng Estados Unidos ang kanilang Navy planes para sa pagsasagawa ng cloud seeding upang umulan sa mga lugar na nakakaranas ng matinding tagtuyot at maibsan ang problema ng mga magsasaka sa kanilang mga pananim.

Sinabi pa ni Tolentino na kagagaling lang niya sa Cauayan Isabela at sa Zambales at hindi na biro ang matinding init ngayon na umaabot sa 45 degrees.

Facebook Comments