
Hinamon ni Senator Kiko Pangilinan ang National Bureau of Investigation (NBI) na sampulan na ang mga ticket scalper upang maprotektahan ang mga Filipino fans sa tuwing may concert at pagtatanghal sa bansa.
Ayon kay Pangilinan, sa tuwing may major concert event sa bansa, nag-aalala ang mga kababayan sa posibleng paglaganap ng mga scalpers na bumibili ng bultong concert tickets at muling ibinibenta sa napakataas na presyo.
Ipinunto ng senador na ang scalping ay nagpapahina sa patas na access sa mga entertainment events at ang mga ganitong practices ay pabigat at pang-aabuso sa mga fans.
Hinimok ni Pangilinan ang NBI na gamitin ang Cybercrime Prevention Act para tugisin ang mga indibidwal at mga grupo na gumagamit ng automated bots para mag-hoard ng concert tickets at ibebenta sa online sa napakamahal na presyo.
Punto ng mambabatas, ang isyu ng ticket scalping ay laganap na rin sa social media lalo sa tuwing may major local at foreign acts na magtatanghal sa bansa.










