Senador, hinimok si PBBM na maglabas na rin ng direktiba para sa adjustment ng work schedule ng mga empleyado ng gobyerno

Hinihimok ni Senator Francis Tolentino si Pangulong Bongbong Marcos Jr., na magpatupad na rin ng adjustment sa work schedule ng mga kawani sa gobyerno.

Ang mungkahi ng senador ay kasunod na rin ng ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council kung saan ini-adjust ang oras ng trabaho ng mga kawani sa lokal na pamahalaan sa alas syete ng umaga hanggang alas kwatro ng hapon mula sa dating alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

Sinabi ni Tolentino, sinusuportahan niya ang proactive approach na ito ng MMC dahil matutugunan kahit papano ang matagal na isyu sa pagsisikip ng trapiko sa National Capital Region (NCR).


Sa pamamagitan aniya ng pagsasaayos ng oras ng pasok sa gobyerno at pribadong sektor, tiwala siyang malaki ang maibabawas sa mabigat na trapiko sa tuwing peak o rush hours at makakatulong pa ito para maging maginhawa ang commuting experience ng publiko.

Dahil sa naunang ginawa ng MMC, umaapela si Tolentino na maglabas na rin agad ng direktiba si Pangulong Marcos para magkaroon ng uniformity ang working hours ng lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Facebook Comments