Iginiit ni Senator Francis Tolentino ang kahalagahan ng “parental discretion” sa pagpasok ng mga estudyante sa gitna ng napakainit na panahon.
Kaugnay nito ay sinusuportahan ni Tolentino ang mungkahi ng Department of Education (DepEd) na madaliin sa susunod na taon ang pagbabalik sa dating school calendar kung saan target na sa March 2025 ay tatapusin na ang School Year 2024-2025.
Binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng pagdedesisyon ng mga magulang kung papapasukin ang mga anak o hindi sa tuwing nakakaranas ng napakainit na panahon.
Magkagayunman, parehong mahalaga aniya na ang mga educational institutions ay magbibigay ng alternative learning solutions upang magtuluy-tuloy at hindi mahuli ang mga magaaral sa kanilang edukasyon.
Matatandaang inihayag ng DepEd sa Senado na nagpadala na ang ahensya ng liham kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para pag-aralan ang posibilidad na maibalik agad sa dating school calendar ang pasukan sa susunod na taon.