
Irerekomenda ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na isama sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang natuklasang overprice na farm-to-market-roads (FMRs).
Kahapon sa pagdinig ng budget ng Department of Agriculture (DA), bukod sa anomalya sa flood control projects ay natuklasan na sabit din ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa overpriced na FMRs kung saan sa taong 2023-2024 ay aabot na sa ₱10 billion ang sobra-sobrang presyo ng proyekto na karamihan ay matatagpuan pa sa Bicol Region at Eastern Visayas region.
Bukod dito, napag-alaman na ang mga contractors na sangkot sa overpriced FMRs ay kasama sa Top 15 contractors na binanggit ng pangulo sa mga ghost at flood control projects, ang Sunwest Construction at Hi-Tone Construction & Development Corp.
Nangangahulugan aniya na hindi lang limitado sa mga flood control ang mga katiwalian na kinasangkutan ng mga contractors at ng DPWH kundi pati na rin sa ibang mga infrastructure projects.
Ayon kay Gatchalian, magpapadala siya ng formal letter sa Blue Ribbon at sa ICI para idagdag na rin sa kanilang imbestigasyon ang overpriced na mga FMRs na ipinatayo ng DPWH.
Sinabi pa ng senador na lalakipan niya ang liham ng mga findings at iba pang supporting documents para maipakita sa Blue Ribbon at sa ICI ang basehan ng mga maanomalyang proyekto.









