Ipinaalala ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na ang “Work from Home” o WFH Law ay isinabatas para solusyunan ang traffic sa bansa.
Ang paalala ng senador ay kaugnay na rin sa naging posisyon ng Private Sector Advisory Council (PSAC) na ang ‘work-from-home arrangement’ ay para lamang sa mga panahon tulad noong COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Villanueva na noong ipinasa nila ang Telecommuting o Work-from-Home Law noong 2019, ang intensyon ng batas ay para tugunan ang lumalalang traffic sa bansa partikular sa mga metropolitan areas.
Nang makaranas naman ang buong mundo ng pandemya, nakita aniya ng bansa ang ganap na implementasyon ng batas at hindi ito naging sagabal para maging produktibo ang mga empleyado sa ilalim ng alternatibong working arrangement.
Katunayan aniya, ang e-commerce at digital transactions ay tumaas ng 20% mula 2021 hanggang 2022 kahit na ang karamihan ng mga tao ay nasa loob ng bahay nagtatrabaho.
Giit ni Villanueva, kahit wala na ang pandemya ay mas lalo namang lumalala ang sitwasyon ng trapiko sa bansa at kung ito ay magpapatuloy at walang aksyon na gagawin ay maaaring lumobo sa ₱9.4 billion ang lugi ng bansa kada araw dahil sa traffic.
Para mas masuportahan ang work-from-home arrangement ay isinusulong ni Villanueva na maaprubahan ang Senate Bill 135, na layong payagan ang alternative work arrangements para sa mga kumpanyang nakarehistro sa Investment Promotion Agencies.