Isusulong ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian na palawakin ang voucher system para matugunan ang problema sa pagsisikip ng mga silid-aralan sa mga public school bunsod ng pagdami ng mga estudyante lalo na sa mga urban areas.
Ayon kay Gatchalian, ang expanded voucher system ang nakikitang agarang solusyon sa public school congestion kumpara sa pagtatayo ng mga silid aralan na matatagalan pa bago matapos.
Nais ni Gatchalian na palawakin din ang voucher system para sa Kindergarten hanggang Grade 6.
Sa kasalukuyan kasing voucher system, sakop lang nito ang mga senior high school learners sa ilalim ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP).
Paliwanag ni Gatchalian, kung mayroong maayos na voucher system na wastong naipapatupad ay hindi na kakailanganing magtayo pa ng dagdag na mga silid-aralan.
Aniya, bibigyan ng voucher ang mga mag-aaral at ang estudyante ay pupunta sa pinakamalapit na pribadong paaralan na ‘least congested’ para makapasok doon gamit ang voucher at doon mag-aaral.
Inirekomenda ng senador na i-divert ang ibang resources ng pamahalaan para magamit sa pagpapalawak ng voucher system na makakatulong sa pagsisikip ng mga klasrum sa mga pampublikong paaralan.
Naniniwala rin si Gatchalian na ang pinalawak na voucher system ay hindi lang solusyon sa pagsisikip ng mga silid-aralan sa public schools kundi tulong din sa mga pribadong paaralan na maka-recover sa bilang ng mga enrollees matapos na maapektuhan ang kanilang operasyon noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.