
Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang pagpapataw ng isang buwang income tax holiday para sa mga manggagawa sa gitna na rin ng isyu ng multi-bilyong maanomalyang ghost flood control projects.
Sa Senate Bill 1446 o ang One-Month Tax Holiday of 2025, layon nitong kilalanin ang pangangailangan na mabigyan ng agarang ginhawa at maibalik ang benepisyo ng mga kabilang sa working population.
Sa ilalim ng panukala, ang one-time na one-month income tax holiday o hindi pababayarin ng buwis para sa isang buwang kita ay maia-apply sa mga individual taxpayers na tumatanggap ng sahod.
Oras na maisabatas ang panukala, ipapatupad ito agad sa unang payroll month ng manggagawa.
Para naman sa mga mixed income earners, tanging ang bahagi lamang na tukoy bilang compensation income o sweldo ang siyang malilibre sa income tax.
Nililinaw naman sa panukala na hindi saklaw ng panukalang tax holiday ang mga mandatory contributions sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), loan amortizations, at iba pang voluntary payments na pinapayagan ng empleyado.
Sinabi ni Tulfo na makatwiran lamang ang panawagan ng mga tao na ibalik ang pera ng bayan at ibaba ang tax dahil matapos malantad ang mga anomalya sa flood control projects ay lubhang nawala ang tiwala ng mga Pilipino sa pamahalaan.









