Ipinaalala ni Senate Committee on National Defense Chairman Jinggoy Estrada sa China ang kahalagahan ng pagtalima sa mga international na pamantayan at kasunduan sa South China Sea.
Kasunod na rin ito ng inilabas na regulasyon ng China kung saan binibigyan ng kapangyarihan ang China Coast Guard (CCG) na hulihin at ikulong ang mga dayuhang papasok sa South China Sea matapos ang matagumpay na civilian mission ng “Atin Ito” sa Scarborough Shoal na bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Estrada, hinihintay nila ang anunsyo mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) kung nakatanggap sila ng opisyal na dokumento ng nasabing regulasyon mula sa China.
Sinabi ni Estrada na bagama’t iginagalang ng Pilipinas ang karapatan ng China na pangalagaan at protektahan ang kanilang territorial interests, binigyang-diin ng senador na mahalaga rin na sumunod sa international norms at agreements sa naturang teritoryo.
Tiniyak ng mambabatas na nananatiling matapat ang Pilipinas sa pagtaguyod ng karapatan at interes sa WPS.
Umaasa si Estrada na irerespeto rin ng China ang karapatan ng ibang mga nasyon na nag-o-operate sa nasabing katubigan sabay himok sa lahat na maging mahinahon at humanap ng mapayapang solusyon sa mga pagtatalo.