Senador, nanawagan kay Cong. Pantaleon Alvarez na ilayo sa isyung politikal ang mga miyembro ng Armed Forces

Umapela si Senate Minority Leader Koko Pimentel kay dating Speaker at ngayo’y Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez na ilayo ang Armed Forces mula sa usaping politikal at patuloy lamang na magsalita sa mga isyu sa bansa.

Ang panawagan ng senador ay kaugnay na rin sa panghihimok ni Alvarez sa lahat ng mga pulis at sundalo na bawiin ang kanilang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tutol dito si Pimentel at sinabing ang leadership ng bansa ay hindi dapat nadidiktahan ng alinmang armadong grupo at ang pamumuno sa Pilipinas ay idinadaan sa tapat na halalan.


Dapat aniyang idistansya ang ating mga sundalo mula sa isyung pulitika upang sa gayon ay malinang sila sa mas propesyunal, mas disiplinado at inspiradong grupo.

Nakiusap naman ang Minority Leader kay Deputy Speaker Johnny Pimentel na huwag nang sampahan ng kaso si Alvarez upang maitaguyod at mapalakas ang karapatan sa malayang pamamahayag at pagtitipon ng mga taong may kahalintulad na posisyon tungkol sa mga maiinit na isyu sa bansa.

Facebook Comments