
Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino na panatilihin ang pagiging mahinahon, pagtitiwala sa proseso ng batas at huwag mawalan ng pag-asa.
Sa gitna ito ng pre-trial hearing ng International Criminal Court (ICC) ukol sa mga kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte patungkol pa rin sa madugong war on drugs.
Sa social media post ni Go, nanawagan ang senador na ipagdasal ang kalusugan, kaligtasan at kalayaan ng dating pangulo.
Ipinapanalangin din niya ang lakas ng loob, kapanatagan ng isip at mabuting kalusugan para kay Duterte gayundin ang karunungan at gabay para sa legal team ni Duterte at ang tibay ng loob at pagkakaisa ng kanyang pamilya sa harap ng pagsubok.
Sa huli, sinabi ni Go na ang pagkakaisa at pananampalataya ang magbubukas ng daan upang masilayan ang tunay na katotohanan.
Matatandaan na si Go na tulad ng nagtatago na si Senator Ronald Dela Rosa ay kabilang sa tinukoy ng ICC na co-perpetrator o kasabwat ni Duterte sa mga krimen sa gitna ng war on drugs.










