
Hiniling ni Senator Erwin Tulfo na gawing inclusive ang polisiya sa suspensyon o pagbawas sa excise tax ng produktong petrolyo kung saan ipinasasama sa mabebenepisyuhan nito ang mga Pilipinong nagmomotorsiklo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, pinuna ni Tulfo kung bakit limitado lang sa diesel ang ipatutupad na tax relief gayong mayroong 8.5 milyon na mga Pilipino na motorsiklo ang gamit sa pagpasok sa trabaho at ikinabubuhay ng marami.
Paliwanag ng senador, gasolina ang gamit ng mga nagmomotorsiklo kaya hindi pwedeng limitahan lang sa diesel ang ipapatupad na suspensyon o bawas sa excise tax.
Tiniyak naman ng Department of Finance (DOF) na isasama ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at Department of Energy (DOE) sa kanilang rekomendasyon ang apela ng senador para sa isang “holistic view” ng panukala.
Nagbabala naman si Tulfo sa mga “epal” na politiko na papapel at gagamitin ang krisis para sa pansariling interes.
Iginiit ng mambabatas ang “zero tolerance” sa mga epal na politiko at sinumang gagamit sa distribusyon ng ayuda ay dapat na maparusahan.










