Nanawagan si Senator Ramon Bong Revilla Jr., sa Kamara na madaliin na ang pag-apruba sa bersyon ng panukalang batas na dagdag na teaching allowance sa mga public school teachers sa buong bansa.
Apela ni Revilla sa mga kapwa mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na gawing prayoridad ang panukalang mag-i-institutionalize para sa dagdag na cash allowance para sa pagtuturo ng mga guro.
Giit ng senador, ang panukalang batas ay para sa mga masisipag na guro na itinuturing na tagahubog ng bansa at itinuon ang kanilang buhay para magabayan at maturuan ang mga kabataan.
Nagpasalamat naman si Revilla sa suportang ibinigay ng mga kasamang senador sa panukalang “Kabalikat sa Pagtuturo Act”.
Tiniyak ng mambabatas na patuloy ang Senado na magiging kaalyado ng mga guro sa pagsusulong at paglaban sa kanilang mga karapatan.
Kapag naging ganap na batas ang panukala, ang bawat public school teacher ay makakatanggap ng P7,500 na supplies allowance para sa school year 2023-2024 at itataas ito sa P10,000 pagsapit naman ng school year 2024-2025.
Kada tatlong taon ay magkakaroon din ng automatic adjustment sa allowance para makaagapay sa pagbabago ng presyo ng mga teaching supplies, materials at iba pang gastusin sa pagtuturo.