
Pabor si Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na buwagin na lamang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at magtatag na lamang ng panibagong ahensya.
Kaugnay na rin ito sa lumalawak pang korapsyon at katiwalian sa ahensya kaugnay sa mga maanomalyang ghost flood control projects, overprice na farm-to-market-roads, school buildings at mga health centers at facilities.
Sinabi ni Gatchalian, na kung siya ang tatanungin ay makabubuting lusawin na ang kasalukuyang ahensya at magtayo na lamang ng bagong DPWH at kumuha ng mga bagong tauhan.
Naniniwala ang senador na matatagalan pa at aabutin pa ng maraming taon bago tuluyang malinis ni DPWH Secretary Vince Dizon ang ahensya dahil sa daming kailangang ayusin.
Maliban dito, unti-unti ring lumalabas na hindi lang sa Bulacan nakasentro ang mga anomalyang kinasangkutan ng DWPH kundi sa buong bansa at hindi lang flood control projects ang may anomalya ang ahensya.









