Senador, pinaaagapan sa gobyerno ang epekto ng plano ng OPEC+ na bawasan pa ang oil production ngayong taon

Kinalampag ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang mga kaukulang ahensya ng gobyerno na agapan ang posibleng epekto sa Pilipinas ng plano ng Saudi Arabia at OPEC+ na bawasan ang ipino-produce na langis ng 1.16 million barrels per day na ipapatupad mula Mayo hanggang sa katapusan ng taon.

Nagdesisyon ang mga malalaking global oil producers na tapyasan ang kanilang produksyon ng langis na itinuturing nilang ‘precautionary measure’ para mapatatag ang merkado.

Hiwalay pa ang pinakahuling desisyon na ito sa naunang napagkasunduan noong October 2022 ng Organization of the Petroleum Exporting Countries  (OPEC+) at ng sampung kaalyado sa pangunguna ng Russia na bawasan ng 2 million barrel per day ang oil production.


Nababahala si Escudero na tiyak na makakaapekto ang hakbang na ito ng OPEC+ sa pagbangon ng bansa mula sa naging epekto ng pandemya.

Posible aniyang tumaas pa lalo ang inflation sa bansa na magiging daan sa higit pang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Dahil dito, pinakikilos ni Escudero ang Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas, Department of Energy, Department of Agriculture, Department of Trade and Industry at Department of Labor and Employment para talakayin ang isyu at makabuo ng mga plano para maiwasan o maibsan ang epekto ng pagbabawas sa oil production ng OPEC+.

Facebook Comments