
Umapela si Senate Majority Leader Francis Tolentino kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumuo na ng West Philippine Sea (WPS) Command na reresponde sa rehiyon.
Ayon kay Tolentino, dadalawang command lang ang may sakop sa malawak na West Philippine Sea, ang Western Command na saklaw ang Palawan, Panatag at Ayungin Shoal at ang Northern Luzon Command na sakop naman ang Bajo de Masinloc.
Sinabi ng mambabatas na nananawagan siya kay PBBM at kay Department of National Defense (DND) Secretary Gibo Teodoro na bumalangkas ng guidelines para sa paglikha ng WPS Command.
Iginiit ni Tolentino na panahon na para sundin ang layunin ng Philippine Maritime Zones Law na lumikha ng ating sariling command para sa pagpapaigting ng maritime security.
Mapapabilis nito ang pagtugon ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard (PCG) sa tuwing may insidente sa WPS.
Nakatakda namang sumulat si Tolentino kay Pangulong Marcos para pormal na hilingin ito.