Pangulong Marcos, nanawagan sa mga alkade na doblehin ang paghahanda sa kalamidad

Umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga alkadle na doblehin ang paghahanda sa kalamidad dahil sa lumalalang epekto ng climate change.

Ayon sa Pangulo, bilang mga alkalde, batid nila ang lumalalang epekto ng pagbabago ng klima sa kanilang mga nasasakupan.

Binanggit niya na may mga lugar na dati ay hindi binabaha ngunit ngayon ay nakararanas na ng matinding pagbaha.


Sabi ng Pangulo, hindi na sapat ang mga nakagawiang paghahanda noon dahil mas malakas at madalas na ngayon ang mga kalamidad.

Dapat na aniyang paigtingin ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga mamamayan at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.

Binigyang-diin pa ng Pangulo na hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang posibilidad ng sunod-sunod na bagyo tulad ng naranasan ng bansa noong nakaraang taon.

Kaugnay nito, hinikayat din niya ang mga LGU na makibahagi sa Kalinga at Inisyatiba para sa Malinis na Bayan o KALINISAN sa Bagong Pilipinas Program.

Facebook Comments