Senador, pinaghahanda ang gobyerno ng livelihood assistance para sa mga Pilipinong uuwi mula sa Sudan

Pinatitiyak ni Committee on Labor and Employment Chairman Senator Jinggoy Estrada sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may nakahandang livelihood program sa mga Overseas Filipino Worker na uuwi mula sa Sudan.

Inaasahan ang pag-uwi ng lahat ng mga OFW mula sa Sudan na naiipit sa lumalalang civil war na nangyayari sa pagitan ng Sudanese army at paramilitary sa nasabing bansa.

Ayon kay Estrada, asahan na ang mga Pilipinong mapipilitang umuwi ng bansa ay mga walang ipon at posibleng matagalan pa bago sila ma-relocate para makapagtrabaho sa ibang bansa.


Pansamantala aniya ay dapat may maibibigay na tulong ang pamahalaan at may nakalaang pondo para sa mga distressed o displaced OFWs.

Tinukoy ng senador na sa taong 2023 ay may P431 million na pondo ang Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program (BPBH) ng OWWA kung saan ang mga OWWA member-OFWs na na-repatriate ay makakatanggap ng P20,000 bilang panimula o karagdagang kapital sa kanilang negosyo.

Pinaghahanda rin ni Estrada ang Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang ahensya ng gobyerno ng alternatibong kabuhayan para naman sa mga undocumented OFWs sa Sudan na uuwi sa Pilipinas.

Facebook Comments