Pinaghihinay-hinay ng ilang senador si Pangulong Bongbong Marcos sa planong dagdag na buwis.
Naunang sinabi ng Finance department na magsusulong ang Marcos administration ng mas mataas na buwis sa mga sugary drinks, motor vehicles at iba pa at inaasahang makakalikom ang gobyerno dito ng kita kada taon na aabot sa P81.9 billion.
Iginiit ni Senator Francis Escudero na ang pagbubuwis ay dapat na ‘last resort’ at hindi ‘first option’ sa pagpapataas ng kita ng bansa.
Aniya, ang planong pagpapataw nanaman ng bagong buwis ay lalo lamang magpapahirap sa publiko na ngayon pa lamang bumabangon mula sa epekto ng COVID-19.
Sa halip aniya ay mas dapat na gawin ng gobyerno ay labanan ang korapsyon, habulin ang mga hindi nagbabayad ng buwis at bawasan ang mga hindi kinakailangang gastos kung nais ng pamahalaan na tumaas ang kita ng bansa.
Binigyang diin pa ng senador na ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa mga tao ay maling paraan para sa pagbangon ng ekonomiya na tinamaan ng pandemya.
Bukod dito, sa tumataas na inflation ay maling pagkakataon din para taasan ang buwis dahil mas lalo lamang nitong pabababain ang purchasing power ng mga mahihirap na Pilipino.