Pinatitiyak ni Senator Grace Poe ang kaligtasan ng mga driver at pasahero oras na gawing legal na sa bansa ang ‘motorcycle-for-hire’.
Sa joint hearing ng Senate Committees on Public Services and Local Government, natalakay ang training at skills know-how ng mga rider sa paggamit ng motorsiklo para masigurong ligtas ang mga ito sa mga aksidente sa lansangan.
Pinatitiyak ni Poe na maipatutupad ang highest safety standards sa motorcycle-for-hire upang maging ganap itong alternatibo sa pampublikong transportasyon.
Nagpahayag naman ng pagkabahala si Senator Raffy Tulfo sa bilang ng mga aksidente na kinasangkutan naman ng Angkas na aabot na sa 7,500 na aksidente noong 2022 lamang.
Sinita ni Tulfo ang kawalan ng polisiya sa mga aksidente dahil may mga reklamo na nakarating sa kanyang tanggapan na ang mga pasahero pa ang gumagastos sa kanilang pagpapaospital at pagpapagamot dahil hirap makipagugnayan sa nasabing kumpanya.
Sa panig naman ng Grab, inihayag na mayroon silang ginagamit na teknolohiya para ma-monitor ang ugali at driving skills ng kanilang mga riders/drivers pero aminado naman ang Angkas at Move It na wala pa silang ganitong gamit na teknolohiya.
Pinagpaliwanag naman ni Poe ang mga kinatawan ng mga motorcycle taxi company na magbigay ng detalye sa kanilang training na ibinibigay sa kanilang mga driver gayundin ang ibang mga hakbang na ginagawa para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.