Senador, pinatitiyak sa pamahalaan na hindi magagamit na opensa ng US laban sa China ang mga EDCA site

Pinatitiyak ni Senator Robinhood Padilla sa pamahalaan na hindi magagamit ng Estados Unidos ang mga EDCA sites sa bansa bilang opensa sakaling tumindi ang tensyon sa pagitan ng US-Taiwan laban sa China.

Ayon kay Padilla, ang mga kasunduan na mayroon ang Pilipinas at Estados Unidos ay ang Mutual Defense Treaty (MDT) at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na bukod sa humanitarian at disaster response ay magtutulungan ang dalawang bansa na dumipensa sakaling may ibang bansa na umatake.

Aniya, malinaw sa mga kasunduan na depensa lamang ang bansa at hindi dapat tayo makialam sa girian ng tatlong bansa dahil wala namang nilagdaan ang Pilipinas na ganitong kasunduan.


Sinabi pa ni Padilla na hindi naman maaaring hindi tumupad ang Pilipinas sa EDCA lalo na kung hihilingin ng pagkakataon na kailangang depensahan ang bansa.

Paliwanag pa ng senador, magiging alanganin lamang ang mga EDCA sites kung ito ay gagawing ‘staging point’ ng Amerika para gamiting opensa para umatake laban sa China.

Kapag ganito aniya ang nangyari ay tiyak na madadamay na sa gulo ng US, Taiwan at China ang Pilipinas.

Facebook Comments