Pinapatutukan ni Senator Francis Tolentino sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ang nangyaring hacking at data breach sa ilang ahensya ng gobyerno.
Bukod kasi sa PhilHealth na unang nahack ang system, naiulat din ang isang security incident sa system ng Department of Science and Technology (DOST) at data breach sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Giit ni Tolentino, mas nakakatakot kung ang pag-atake sa mga government websites ay aabot hanggang sa files ng Commission on Elections (COMELEC) lalo ngayong papalapit ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Bagama’t ayaw ng senador ng puro espekulasyon o pagdududa, mahalagang nakatutok at handa aniya sa mga ganitong sitwasyon ang DICT.
Naniniwala si Tolentino, na kailangang matapatan ng gobyerno ang mas advance na teknolohiya na gamit ng mga hackers upang masawata ang mga ganitong banta sa ating cybersecurity.
Naniniwala naman si Tolentino, na hindi naman agad nangangahulugan na kailangan ng mas mataas na confidential funds dahil hindi naman intelligence kundi cyber ang kalaban kaya naman mas dapat na itaas ang cybersecurity measures dahil patuloy na nag-e-evolve ito sa pagtagal ng panahon.