Senador, pumalag sa ginawang crackdown ng Kuwaiti government sa mga OFW

Umaalma si Senator Raffy Tulfo sa ginawang crackdown ng Kuwaiti government sa mahigit tatlong daang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Kuwait.

Ginawa ng gobyerno ng Kuwait ang pagpapa-deport sa 350 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa gitna ng pakikipagnegosasyon ng Pilipinas ukol sa temporary deployment ban na ipapatupad sa mga first-time domestic workers.

Giit ni Tulfo, na chairman ng Senate Committee on Migrants Workers, hindi siya makapapayag na maghaharap ang dalawang bansa sa negotiating table na tayo pa ang mistulang magmamakaawa sa Kuwait para sundin ang mga inilatag na hiling para sa kapakanan ng mga OFW.


Sa halip aniya na masunod ang gusto ng Pilipinas na “terms and conditions” kabilang na ang request na public apology ng gobyerno ng Kuwait sa mga inabuso at pinatay na OFWs ay tayo pa ang binabaligtad.

Dismayado ang senador sa kawalang aksyon ng Kuwait government sa mga suhestiyon noong Senate hearing ukol sa pagpaslang sa Pinay domestic helper na si Jullebee Ranara.

Sa nasabing hearing, matatandaan na iminungkahi ni Tulfo na protektahan ang karapatan ng OFWs sa pamamagitan ng mandatory pre-engagement seminars, background checks at psychological and medical exams para sa employers ng mga domestic worker.

Facebook Comments