Monday, March 23, 2026

Senador, suportado ang pagdedeklara ng State of National Emergency sa bansa

Nagpahayag ng suporta si Senator Bam Aquino sa pagdedeklara ng State of National Emergency para maibsan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga bilihin bunsod ng epekto ng oil price hike.

Ayon kay Aquino, nasa crisis level na ang bansa kaya suportado niya ang pagdedeklara ng pamahalaan ng State of National Emergency para matugunan ang patuloy na pagtaas sa presyo ng langis at para mapagaan ang pasanin ng taumbayan sa mataas na presyo ng bilihin.

Apela ng senador, huwag nang hintayin pa ng gobyerno na lumala ang sitwasyon lalo’t wala namang katiyakan kung kailan matatapos ang gulo sa Gitnang Silangan.

Sa ilalim ng State of National Emergency, may malawak na awtoridad ang pangulo para gamitin ang mga government resources sa financial assistance at iba pang uri ng tulong para sa iba’t ibang sektor na nangangailangan.

Gayunman, pinagiingat ni Aquino ang paggamit ng kapangyarihan sa ilalim ng state of national emergency kung saan kailangang mabantayang mabuti ang implementasyon ng hakbang upang matiyak na mapupunta ang tulong sa mga nararapat na benepisyaryo at hindi ito maaabuso o magamit sa katiwalian.

Naunang ipinanawagan ni Aquino ang pagbibigay ng tulong sa lahat ng kabilang sa transport sector at mga maliliit na negosyo na marami sa mga kababayan ay sa mga ganitong sektor nagtatrabaho.

Facebook Comments