Tiniyak ni Senator Raffy Tulfo, ang patuloy na pagbibigay suporta sa mga Pilipino na naapektuhan ng giyera sa Israel.
Nauna rito ay nakipagpulong ang senador kasama ang ilang mga mambabatas sa mga opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) at mga ambassadors ng Pilipinas sa Israel, Lebanon, Jordan, Egypt, at Syria para pagusapan ang kasalukuyang sitwasyon ng mga Pinoy sa Israel na nasa gitna pa rin ng giyera laban sa grupong Hamas.
Ayon kay Tulfo, gagawin ng gobyerno ang lahat para masigurong ligtas at maayos na makakabalik ng Pilipinas ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Kasama sa mga tulong na nakahandang ibigay sa mga Pinoy na uuwi sa bansa ang ayuda at scholarship mula sa TESDA para sa kanilang mga anak.
Siniguro rin ng senador, ang puspusang pagtatrabaho ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa repatriation ng mga Pinoy sa Israel.
Mayroon na rin aniyang contingency plan na nakalatag ang gobyerno sakaling lumala ang sitwasyon sa rehiyon at patuloy din ang close monitoring hindi lang sa Israel at Gaza kundi pati na rin sa mga kalapit na bansa.