Senador, umaasang makapagsisimula agad ng bagong buhay ang mga miyembro ng SBSI

Umaasa si Senate Committee on Environment and Natural Resources Chairperson Cynthia Villar na makapagsisimula agad sa kanilang panibagong buhay ang mga miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) matapos na kanselahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Protected Area Community-Based Resource Management Agreement (PACBRMA) sa pagitan ng grupo.

Ayon kay Villar, dapat noon pa ay agad nang kinansela ng ahensiya ang naturang kasunduan at kung nagawa lang ng DENR ang sistema sa maiging pagbabantay sa mga protected area ay hindi na sana humantong sa hindi makontrol na problema ang SBSI.

Magkagayunman, sinusuportahan ni Villar ang mga pagsisikap na mahanapan agad ng maayos na relokasyon ang mga miyembro ng religious cult.


Samantala, pinuri naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang naging aksyon ng DENR dahil kapag nailipat na ng lugar ang mga miyembro ng SBSI ay mauuwi ito sa pagkabuwag ng grupo at maliligtas ang mga menor de edad mula sa pang-aabuso.

Matatandaang inimbestigahan ng Senado ang SBSI leader na si Senyor Agila at iba pang opisyal dahil sa reklamo ng mga dating miyembro na sapilitang pagpapakasal sa mga miyembro, panghahalay at iba pang pangaabuso sa mga kababaihan at kabataan ng SBSI.

Facebook Comments