Senador, umaasang mareresolba nang pagbabawal ng paggamit ng wang-wang ang matinding traffic sa bansa

Umaasa si Senator Grace Poe na magiging daan sa pagresolba ng matinding trapiko ang tuluyang pagbabawal sa mga opisyal at sa mga empleyado ng gobyerno na gumamit ng wangwang, blinkers at iba pang mga kaparehong device sa kanilang mga sasakyan.

Ayon kay Poe, sinusuportahan niya ang direktibang ito ni Pangulong Bongbong Marcos lalo’t ang mga nasa pamahalaan ang dapat na magsilbing halimbawa sa mga motorista.

Mainam aniya na maranasan mismo ng government officials ang matinding traffic at napakabagal na pag-usad ng mga sasakyan upang makita kung ano ang dapat na mga solusyong ilatag para maresolba ang napakatagal nang problema sa lansangan.


Umaasa si Poe, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, na sa paraang ito ay ma-motivate ang mga opisyal ng pamahalaan na makahanap ng epektibo at matatag na solusyon sa traffic congestion problem na araw-araw na lamang nararanasan ng commuters.

Iginiit ni Poe na kahit sa kalsada ay pantay-pantay dapat ang lahat at ang simpleng alituntunin sa ban sa wang-wang ay ipatupad ng patas sa lahat.

Facebook Comments