Pinatitiyak ni Senator Alan Peter Cayetano sa mga kasamahang mambabatas na walang Pilipino at lugar na maiiwan sa binubuo ngayong 2023 national budget.
Ang panukalang P5.268 trillion na pondo ng susunod na taon ay kasalukuyan ngayong sumasailalim sa pagbusisi ng Bicameral Conference Committee hearing kung saan pagkakasunduin ng Senado at Kamara ang mga contentious provisions ng proposed 2023 budget.
Giit ni Cayetano, ang kailangan ngayon ng bansa ay isang national budget na walang Pilipinong mapag-iiwanan at isang pondo na nakasentro sa pamumuhunan sa mga rehiyon at malalayong probinsya kung saan buong bansa ang mabebenepisyuhan.
Sa mga nakalipas na pambansang pondo, ipinunto ni Cayetano na madalas na pinapaburan ang highly urbanized cities tulad ng National Capital Region (NCR) kaya naman ang 2023 budget ay dapat maging instrumento sa paghahatid ng patas na pag-unlad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang diin ng senador na wala aniyang pagkakapantay-pantay kung palagi na lamang Metro Manila at iba pang mauunlad na lungsod ang palaging binubuhusan ng pondo.
Nais masiguro ni Cayetano na nakapaloob sa pambansang pondo ang patas na distribusyon sa budget pagdating sa mga serbisyo, mga ipinatatayong paaralan, ospital, trabaho, infrastructure projects at transportasyon.